UNICEF Tutol sa Pagbabago sa K-12 Program
Hindi sinusuportahan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang mga nakatakdang pagbabago sa Basic K-12 Education Program na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay UNICEF Education Director Fushimi Akihiro, nasa tamang direksyon na umano ang Pilipinas pagdating sa pagpapatupad ng K-12 program. Giit niya, imbes na baguhin ito, mas nararapat na palakasin pa lalo ang kasalukuyang sistema.
Nagbabala rin ang UNICEF sa patuloy na lumalalang learning crisis sa bansa. Ayon sa kanilang obserbasyon, maraming estudyante ang nahuhuli sa pagkatuto — partikular sa basic literacy at numeracy. Marami ang hindi pa rin marunong bumasa at mahina sa batayang matematika.

Binigyang-diin ng ahensya ang pangangailangan ng mas malawak na suporta para sa mga guro, mga magulang, at mga paaralan upang matugunan ang kasalukuyang krisis sa edukasyon ng mga kabataang Pilipino.
Patuloy na nananawagan ang UNICEF sa pamahalaan na tutukan ang kalidad ng edukasyon at iwasan ang mga repormang maaaring magpalala sa sitwasyon.