
Isang kakaibang tanawin sa kalangitan ang nasaksihan ng mga Pilipino nitong nakaraang Biyernes ng madaling araw—isang celestial alignment na tinatawag na triple conjunction planets, na bumuo ng tila “sad face” sa himpapawid.
Bandang alas-4:30 ng madaling araw, namataan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang sabay-sabay na paglitaw ng tatlong planetary bodies—ang Buwan, Venus, at Saturn. Ang Buwan ang nagsilbing “bibig,” habang ang Venus at Saturn ay tila dalawang “mata,” na bumuo ng isang mukhang nalulungkot o inverted smile.
Sa ibang bansa, kapansin-pansing nakangiti ang naturang planetary formation, kaya tinawag din itong “cosmic smile” ng ilang astronomers. Ngunit sa lokasyon ng Pilipinas at sa posisyon ng mga planeta, tila nalungkot ang langit sa kanyang anyo.
Ang phenomenon na ito ay bahagi ng tinatawag na triple conjunction, isang bihirang pangyayari kung saan tatlong planetary bodies ay sabay-sabay na nag-aalign sa langit. Hindi ito madalas mangyari at itinuturing na isang espesyal na kaganapan ng mga mahilig sa astronomiya.
Ayon sa mga eksperto, wala namang partikular na epekto sa tao o sa kalikasan ang ganitong klaseng alignment. Gayunpaman, ito ay isang magandang paalala ng kahanga-hangang galaw ng ating solar system, at patunay na kahit sa gabi, may mga kakaibang tanawin tayong maaaring masilayan.
Marami sa mga netizen ang nag-post ng kanilang mga kuhang larawan ng nasabing triple conjunction planets, at agad itong naging viral sa social media. Sa kabila ng pagiging “sad face,” marami pa rin ang natuwa at humanga sa ganda ng tanawin.
Isa lamang ito sa maraming celestial events na inaasahang masisilayan sa taon, at inaanyayahan ang publiko na makiisa at tumingala paminsan-minsan—dahil baka may nakangiti o nalulungkot palang kalangitan na naghihintay makita mo.