Isa sa mga binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ang pagpapalawig ng sports development sa Pilipinas, partikular sa mga paaralan at barangay.
Ayon sa Pangulo, ito ay tugon sa patuloy na pagtaas ng obesity rate sa bansa, at bahagi ng adbokasiya na mas maging aktibo ang pamumuhay ng bawat Pilipino.
Sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC), bubuksan na sa publiko ang mga track and field facilities sa Manila at Baguio upang magamit ng mga kababayan. Hinikayat din ng Pangulo ang mga Local Government Units (LGUs) na pagandahin at buksan ang mga parke, pati na ang pagpapatupad ng car-free Sundays, tulad ng ginagawa ngayon sa Makati City.

Bukod dito, binigyang-pansin din ang sports programs sa mga paaralan upang maagang mahasa ang potensyal ng mga kabataang atleta, na maaaring maging susunod na Philippine sports legends tulad nina Manny Pacquiao, Carlos Yulo, at Alex Eala.
Layunin ng pamahalaan na gamitin ang sports bilang kasangkapan sa nation building, mental health, at youth empowerment, kasabay ng pagpapababa ng sedentary lifestyle sa bansa.