Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa publiko kaugnay ng pagbili ng smuggled red onions na mas malalaki kumpara sa lokal na sibuyas. Ito’y kasunod ng pagkakadiskubre na ang ilang nasabat na illegal imported onions sa Paco Public Market ay nagpositibo sa E. coli, isang bacteria na maaaring magdulot ng food poisoning.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang insidenteng ito ay isang seryosong isyu ng food safety sa bansa na may direktang epekto sa kalusugan ng publiko. Binigyang-diin niya na ang ganitong mga ilegal na produkto ay hindi lamang banta sa lokal na produksyon kundi pati na rin sa kaligtasan ng mga mamimili.

Dahil dito, inihayag ng kagawaran na magsasagawa sila ng serye ng mga operasyon para kumpiskahin ang mga naturang sibuyas sa mga pamilihan. Ang hakbang ay isasagawa alinsunod sa Food Safety Act of 2013, upang mapigilan ang pagkalat ng kontaminadong produkto sa merkado.
Hinikayat din ng DA ang mga konsyumer na maging mapanuri sa kanilang binibili at umiwas sa sibuyas na kahina-hinala ang laki at pinagmulan, lalo na kung ito ay masyadong mura o walang tamang dokumento.