Iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na walang karapatan ang Kamara na tanggihan ang remand ng articles of impeachment, dahil simula nang mag-convene ang Senado bilang isang impeachment court, mas mataas na umano ang kanilang kapangyarihan kumpara sa prosecutors ng Kongreso.
Paliwanag ni Escudero, hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng proseso ang pagbabalik ng kaso sa Kamara. Sa halip, patuloy pa rin ang hurisdiksyon ng Senado sa impeachment at tuloy ang kanilang pagtupad sa constitutional duty.
Isa sa mga hakbang na pinapatupad ng Senado ay ang pag-isyu ng writ of summons para kay Bise Presidente Sara Duterte. Ayon sa tagapangulo, may sampung araw si VP Sara mula sa pagtanggap nito upang tugunan ang mga alegasyon laban sa kanya.

Nilinaw din ni Escudero na wala pang desisyon na naganap ukol sa hindi pagpapatuloy ng 20th Congress sa impeachment proceedings. Aniya, kung nais ng susunod na Kongreso na ituloy ang kaso, may mga indikasyong dapat abangan.
Samantala, naging mataas ang tensyon sa Senado nitong Lunes matapos ang mainit na palitan ng opinyon nina Senator Joel Villanueva at Senator Robinhood Padilla. Kalauna’y nagkaayos din ang dalawa, at hindi na kinailangang mamagitan ni Escudero.
Ayon sa Senate President, normal lang na magkaroon ng girian sa Senado dahil sa pagkakaiba-iba ng pananaw at panig na kinakampihan ng bawat mambabatas.