
Nagkaroon ng aberya ang rubber gate ng Bustos Dam sa Bulacan matapos itong bumigay nitong unang araw ng Mayo bandang alas-dos trenta ng hapon. Dahil dito, biglang rumagasa ang tubig mula sa dam na agad nagdulot ng pangamba sa mga residente malapit sa tabing-ilog.
Agad na inalerto ng mga awtoridad ang mga komunidad na nasa mababang lugar dahil sa posibilidad ng pagtaas ng lebel ng tubig. Isa sa mga pangunahing kinatatakutan ay ang biglaang pagbaha na maaaring makaapekto sa mga kabahayan sa paligid ng Bustos River.
Ayon sa ulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), maliit na volume lamang ng tubig ang nailabas ng dam sa insidente, kaya’t hindi umano ito kailangang ikabahala ng publiko. Tiniyak din nila na nasa maayos nang kalagayan ang lugar at wala nang dapat ikabahala.
Dagdag ng PDRRMO, hindi na kailangan ang evacuation o anumang uri ng panic response dahil agad nilang nasuri at naaksyunan ang problema. Sa ngayon, patuloy pa ring binabantayan ng mga opisyal ang sitwasyon sa dam upang masigurong walang karagdagang panganib sa mga kalapit na barangay.
Ipinaliwanag ng mga engineer ng dam na ang naturang rubber gate ng Bustos Dam ay isa lamang sa ilang gates ng pasilidad, kaya’t may sapat na kakayahan pa ang dam na kontrolin ang water flow sa iba pang bahagi.
Sa kabila ng insidente, nananatiling bukas ang linya ng komunikasyon ng mga lokal na opisyal upang agad na magbigay ng update sa mga residente kung sakaling kailanganin.
Ang Bustos Dam ay isang mahalagang pasilidad para sa irigasyon at water control sa lalawigan, kaya’t patuloy itong mino-monitor upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng tag-ulan at biglaang pag-ulan.