
Nanawagan ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa National Irrigation Administration (NIA) na agarang ayusin ang nasirang rubber gate sa Bustos Dam, na itinuturing na kritikal para sa irigasyon at seguridad ng mga komunidad sa lalawigan.
Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, kinakailangang remedyo agad ang pagkasira ng dam upang maiwasan ang pagbaha at maprotektahan ang sektor ng agrikultura, na direktang maaapektuhan kung magpapatuloy ang problema.
Dagdag pa ng gobernador, hindi magdadalawang-isip ang Bulacan LGU na magsampa ng kaso laban sa NIA kung patuloy na babalewalain ang panawagang ito. Aniya, hindi sapat ang mga paunang aksyon kung hindi ito matutukan ng maayos at mabilis.
Ang rubber gate ng Bustos Dam ay may mahalagang papel sa pamamahala ng tubig sa lalawigan, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Ang patuloy na pagkasira nito ay maaaring magdulot ng hindi inaasahang pagbaha na posibleng magpabagsak sa ani ng mga magsasaka at magdulot ng pinsala sa kabahayan sa mabababang lugar.
Nanawagan din si Governor Fernando sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magpakita ng malasakit at agarang aksyon upang matiyak ang kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.
Ang panawagang ito ay bahagi ng mas malawak na hangarin ng lalawigan na protektahan ang kalikasan, agrikultura, at kaligtasan ng mga mamamayan, habang hinihintay ang konkretong tugon mula sa NIA.