Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nananatiling nakadetine si dating PCSO general manager Royina Garma sa South Louisiana ICE Processing Center sa Estados Unidos.
Si Garma ay isinailalim sa isang expedited removal order pagdating niya sa San Francisco noong nakaraang taon. Ayon sa DFA, umapela na si Garma sa naturang kautusan at naka-schedule ang kaniyang court hearing noong Disyembre 2024. Gayunpaman, binigyang-diin ng DFA na wala pa ring direktang komunikasyon si Garma sa konsulado hanggang sa ngayon.

Bukod sa kanyang posisyon sa PCSO, si Garma ay naging testigo rin sa imbestigasyon ng House Quad Committee ukol sa umano’y extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng Duterte administration.
Siya rin ay nasasangkot sa mga alegasyon kaugnay ng pagkamatay ng PCSO board member na si Wesley Barayuga. Patuloy pa rin ang pagsubaybay ng mga otoridad sa isyu, habang hinihintay ang susunod na legal na hakbang sa Estados Unidos.