
Marso 6, 2025 | 6:40 AM GMT+08:00
Mariing iminungkahi ng Quezon City Epidemiology & Surveillance Division (QC-ESD) ang maagang pagpapakonsulta sa doktor sakaling makaranas ng mga sintomas ng dengue, kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay mula sa sakit mula Enero 1 hanggang Marso 5.
Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang lungsod ng 12 kaso ng pagkamatay dahil sa dengue, kung saan 10 sa mga nasawi ay menor de edad na 17 taong gulang pababa.
Ayon sa QC-ESD, isa sa mga pangunahing dahilan ng paglala ng sakit ay ang pagkaantala ng medikal na konsultasyon, na kadalasang humahantong sa malubhang komplikasyon at kamatayan.
Dahil dito, nagpaalala ang mga awtoridad na agad magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sumusunod na sintomas:
- Mataas na lagnat
- Matinding pananakit ng ulo
- Pananakit sa likod ng mata
- Pananakit ng kalamnan at kasukasuan
- Pagsusuka at pagduduwal
- Pagkakaroon ng pantal sa balat
Patuloy na pinaaalalahanan ng Quezon City Health Department ang publiko na sundin ang preventive measures laban sa dengue, kabilang ang Search-and-Destroy Campaign upang maiwasan ang pagdami ng lamok na may dalang sakit.