
Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na mula sa tinatayang 100,000 na automated counting machines (ACM) na ginamit ngayong 2025 National and Local Elections, 311 units lamang ang nakaranas ng teknikal na problema.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, mas mababa ito kumpara sa naitalang mahigit 2,500 faulty machines noong 2022 elections, na agad na napalitan sa unang oras pa lamang ng halalan.
Ang mga problema sa automated counting machines ay kinabibilangan ng hindi pagtanggap ng mga balota, pagpalya ng ilang bahagi ng makina, at iba pang aberya sa kagamitan. Dahil dito, nagkaroon ng delay at humaba ang pila sa ilang presinto, subalit tiniyak ng COMELEC na agad na napalitan ang mga depektibong makina.
Sinabi rin ni Garcia na wala namang naging seryosong problema ang mga makina at hindi ito nakaapekto sa kabuuang takbo ng halalan. Bukod dito, walang naitalang failure of elections sa alinmang bahagi ng bansa, bagay na ikinatuwa ng ahensya.
Pinuri rin ng COMELEC ang mga field personnel at technicians na mabilis na kumilos upang tugunan ang mga teknikal na isyu sa mga presinto. Sa kabila ng ilang pagkaantala, maayos pa rin umanong nakaboto ang karamihan ng mga Pilipino sa buong bansa.
Ang mga problema sa automated counting machines ay inaasahang bahagi na lamang ng ina-adjust na proseso sa ilalim ng modernized election system. Umaasa ang COMELEC na sa susunod na halalan ay mas magiging efficient at error-free na ang deployment ng mga makina.
Para sa iba pang update tungkol sa halalan at electoral technology, manatiling nakatutok sa GNN Halalan 2025.