Mariing tinutulan ng karamihan sa mga miyembro ng Makati City Council ang umano’y planong pagtaas ng real property tax (RPT) sa lungsod sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Nancy Binay.
Ayon kay Konsehal Martin Arenas, buo ang paninindigan ng konseho na tutulan ang anumang panukalang magpapataas ng RPT. Sa halip, kanilang ipinaglalaban ang 20% na pagbaba ng buwis, na naipasa sa ilalim ng dating administrasyon.
“Naniniwala kami na ang pagbabang ito ay malaking tulong para sa ating mga residente, taxpayers, at maging sa mga investors,” ani Arenas.
Idinagdag pa ng konsehal na sa panahon ng patuloy na pag-ahon mula sa epekto ng pandemya, hindi umano makatarungan na dagdagan pa ang pasaning buwis ng mga taga-Makati. Aniya, mahalaga ang pagbibigay-gaan sa mga mamamayan sa halip na karagdagang pabigat.

Ang isyu ng pagtaas ng real property tax ay kasalukuyang binabantayan ng publiko, lalo na ng mga sektor na apektado tulad ng mga negosyante at homeowners sa lungsod.
Patuloy namang hinihintay ang opisyal na pahayag mula sa tanggapan ni Mayor Nancy Binay hinggil sa panukalang ito.