
Isinagawa kamakailan ang Commencement Exercises ng Correctional Institution for Women Vocational Technical School para sa School Year 2024–2025.
Sa makasaysayang seremonyang ito, nagtapos ang 461 kababaihang Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Maximum at Medium Security Camps. Kabilang sa kanilang natapos na kurso ay ang beauty care, baking, dressmaking, at Japanese language na bahagi ng mga programang inaalok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang seremonya ay simbolo ng bagong pag-asa para sa mga babaeng PDL na sa kabila ng kanilang kasalukuyang kalagayan, ay patuloy pa ring nagsusumikap upang magkaroon ng panibagong direksyon ang kanilang buhay sa pamamagitan ng edukasyon at kasanayan.
Ayon kay TESDA Director Gerty Pagaran, ang pagsasanay ng women PDLs ay mahalagang bahagi ng reintegration program ng gobyerno. Aniya, ang edukasyon at pagkalinga ang susi sa pagbabagong-buhay at muling pagharap sa komunidad nang may dignidad at tiwala sa sarili.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng mga natutunang kasanayan, mas nagkakaroon ng konkretong oportunidad ang mga PDL para sa kanilang kinabukasan sa oras na sila ay makalaya.
Patuloy na isinusulong ng CIW at TESDA ang pagbibigay ng ganitong klaseng mga pagsasanay, bilang bahagi ng layunin ng rehabilitasyon at pagbuo ng mas makataong sistema sa mga correctional facility sa bansa.
Ang matagumpay na pagsasanay ng women PDLs ay patunay na ang pagbabagong-buhay ay posible sa tulong ng edukasyon at suporta mula sa mga institusyon.