Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P749 milyong halaga ng shabu sa loob ng mga balikbayan boxes sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, ang mga nasamsam na ilegal na droga ay nakatago sa apat na balikbayan boxes na nasa loob ng isang facility station ng naturang pantalan. Ipinahayag ng mga awtoridad na ang mga kahina-hinalang kargamento ay idinaklarang naglalaman ng cereals, instant noodles, at snack packs, at nagmula sa Estados Unidos.
Ngunit sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang 106 na selyadong plastic packs na puno ng hinihinalang shabu, na may kabuuang bigat na 110 kilo. Ang mga ito ay naka-address umano sa mga recipient sa Mandaluyong at Quezon City.

Ayon sa PDEA, isang malawakang imbestigasyon ang kasalukuyang isinasagawa upang matukoy ang mga sangkot sa operasyon, kabilang ang mga consignee at sender. Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa pag-abuso sa balikbayan boxes bilang daluyan ng illegal na droga, na maaaring makapahamak sa mga lehitimong nagpapadala.
Nagpaalala ang PDEA sa publiko, partikular sa mga tumatanggap ng balikbayan boxes, na maging mapagmatyag at i-report agad ang anumang kahina-hinalang laman ng mga padala.