Opisyal nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang operation and maintenance ng North-South Commuter Railway (NSCR) sa ilalim ng kanyang flagship infrastructure program na Build Better More Agenda.
Ang proyektong NSCR ay mayroong 35 istasyon at mga depot na matatagpuan sa Clark, Valenzuela, at Calamba, at kayang magsakay ng tinatayang 800,000 pasahero araw-araw.
Ayon sa Department of Transportation, ide-deploy ang 51 trainsets na may kapasidad na 2,242 pasahero kada biyahe, habang ang Limited Express Service naman ay may pitong trainset na kayang magsakay ng 386 pasahero bawat isa.
Sa sandaling maging operational ang proyekto, ang dating mahabang biyahe mula Clark hanggang Calamba, Laguna ay magiging tatlong oras na lamang. Samantala, ang Clark to Alabang Limited Express ay tatagal ng humigit-kumulang dalawang oras.

Layunin ng proyekto na mapabilis ang public transportation, mapababa ang travel time, at magbigay ng mas maayos at episyenteng serbisyo sa mamamayang Pilipino. Ang NSCR ay isa sa mga pinakamalalaking railway projects sa bansa na sumasaklaw sa malaking bahagi ng Luzon, at inaasahang magpapalakas ng konektibidad at ekonomiya sa mga rehiyon.