
Ibinunyag ni Senator Francis Tolentino nitong Lunes sa pagdinig ng Philippine Maritime and Admiralty Zones Committee ng Senado ang isyu ng mind conditioning sa eleksyon gamit ang troll accounts online. Batay ito sa impormasyong inilabas ng isang news outlet kamakailan.
Ayon kay COMELEC Chair George Erwin Garcia, layunin ng mga troll accounts na imaniobra ang reaksyon ng publiko sa mga survey bago ang halalan. Aniya, sinusubukan nilang tukuyin kung paano tatanggapin ng publiko ang mga posibleng resulta ng survey, at kapag ito’y hindi tumugma sa aktwal na resulta ng eleksyon, nasisira ang kredibilidad ng COMELEC.
Binigyang-diin ni Garcia na walang problema sa mga impormasyon mula sa mga lehitimong news outlet, dahil mataas ang antas ng ethical professionalism ng mga ito. Gayunpaman, nananawagan ang ahensya sa publiko na maging mapanuri, huwag agad maniwala online, at ugaliin ang fact-checking upang labanan ang epekto ng fake news sa demokrasya.
Kasama rin sa mga isyung natalakay ang posibilidad na may mga foreign funded candidates, na ayon sa batas ay maaring maharap sa diskwalipikasyon kung mapatutunayang tumanggap ng pondong banyaga. Ngunit kung tapos na ang proklamasyon at walang pending case, wala na umanong hurisdiksyon ang COMELEC sa kanila.
Iminungkahi ni Sen. Tolentino na magsumite ang COMELEC ng rekomendasyon para makapagpanukala ang Senado at Kamara ng mga batas laban sa foreign influence, manipulation, at mind conditioning tactics, tulad ng insidente sa Canada kung saan nadiskwalipika ang ilang kandidato dahil sa umano’y pondo mula sa China.
Sa kabila ng mga isyung ito, tiniyak ni Garcia na walang technical issues sa isinagawang final test ng mga vote counting machines. Aniya, ligtas ang mga ito mula sa hacking at may sapat na independent features para mapanatili ang integridad ng eleksyon sa Mayo 12.