Magandang balita sa mga konsumer ng kuryente! Inanunsiyo ng Manila Electric Company o Meralco ang pagbaba ng singil sa kuryente para sa buwan ng Hunyo 2025.
Ayon sa Meralco, bumaba ng halos 11 sentimo ang kanilang singil ngayong buwan kumpara sa nakaraang buwan. Mula sa dating presyo, magiging 12.1552 pesos per kilowatt-hour na lamang ang bagong singil.

Dahil dito, tinatayang nasa 22 pesos ang matitipid ng isang karaniwang kabahayan na kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour kada buwan. Bagamat maliit ang halaga, malaking bagay na ito para sa mga pamilyang umaaray sa sunod-sunod na gastusin.
Patuloy ang paalala ng Meralco sa publiko na ugaliing magtipid sa paggamit ng kuryente lalo na ngayong tag-init. Ang pagbabang ito ng singil ay bunga ng mas mababang generation charge ngayong buwan, na inaasahang makakatulong sa mas magaan na buwanang bayarin ng mga kababayan natin.