
Isang linggo bago ang eleksyon, nananawagan si AGRI Partylist Representative Wilbert Lee sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Health (DOH) na magtalaga ng sapat na medical assistance sa eleksyon, partikular sa mga polling precints sa buong bansa.
Ito’y kaugnay ng patuloy na pagtaas ng temperatura sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ayon sa ulat ng PAGASA, ilang lugar ay nakakaranas na ng heat index na umaabot sa “dangerous level”, na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga botanteng lalabas para bumoto.
Binibigyang-diin ni Rep. Lee ang pangangailangang magkaroon ng on-site medical personnel upang agad na matulungan ang mga botanteng posibleng makaranas ng heat stroke, dehydration, o iba pang heat-related illnesses.
Partikular na tinukoy ni Lee na maaaring maapektuhan ang mga senior citizen, PWDs, buntis, at mga indibidwal na may pre-existing conditions, kaya’t mahalaga aniya ang presensya ng mga health responder sa bawat presinto.
Hinimok niya ang DOH, mga lokal na pamahalaan, at ang Philippine Red Cross na makipagtulungan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng botante sa araw ng eleksyon. Dagdag pa rito, maaaring magtalaga ng cooling stations, drinking water areas, at first aid tents malapit sa mga voting centers.
Sa gitna ng mainit na panahon, nananawagan rin si Lee sa publiko na magsuot ng komportableng damit, magdala ng tubig, at umiwas sa sobrang init ng araw kung pupunta sa presinto.
Ang panawagang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na masiguro ang ligtas at maayos na eleksyon, kung saan walang botanteng malalagay sa peligro dahil sa init ng panahon. Patuloy naman ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang paghandaan ang naturang araw.