Home » Mabagal na serbisyo, proseso, ilan sa mga reklamo ng mga OFW sa MWO sa Dubai

Mabagal na serbisyo, proseso, ilan sa mga reklamo ng mga OFW sa MWO sa Dubai

by GNN News
0 comments

Marso 6, 2025 | 6:40 AM GMT+08:00

Sa isang surprise visit na isinagawa kamakailan ng isang senador sa Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai, tumambad ang sandamakmak na reklamo mula sa mga OFW, kabilang ang matagal na pagproseso ng dokumento at ang umano’y hindi maayos na pakikitungo ng mga kawani.

Ayon sa ilang OFW, umaabot ng tatlong buwan ang appointment para sa contract verification, habang ang opisina ng MWO ay bukas lamang ng apat at kalahating araw kada linggo.

Dahil dito, inirekomenda ng senador na gawing limang araw ang opisyal na operasyon ng MWO, alinsunod sa standard working days, upang mas mapadali ang transaksyon para sa mga OFW.

Mga Kawani ng MWO, Iginiit ang Kakulangan ng Manpower

Sa kanilang depensa, sinabi ng mga kawani ng MWO na kakulangan sa empleyado ang pangunahing dahilan ng mabagal na proseso at pagkaantala ng serbisyo.

Sa isang pagdinig, tiniyak naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Atty. Hans Leo Cacdac na paiigtingin ng ahensya ang pagpapatupad ng “last client principle” upang matiyak na lahat ng kliyente ay mapagsisilbihan bago magsara ang opisina.

Bukod dito, pinangako rin ng DMW na hindi magsasara nang maaga ang tanggapan, kahit sa mga araw na may holiday declaration, upang matugunan ang pangangailangan ng mas maraming OFW.

Ikinatuwa naman ng senador ang mga isinagawang hakbang at muling iginiit ang pangangailangan ng mas mabilis at episyenteng serbisyo para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Samantala, kasalukuyan na ring tinutugunan ng DMW ang kakulangan sa manpower sa MWO Dubai, upang mapabilis ang pagproseso ng mga dokumento at iba pang transaksyon.

You may also like

Leave a Comment