Home » Libreng WiFi sa MRT-3, Sinimulan na ng DICT

Libreng WiFi sa MRT-3, Sinimulan na ng DICT

by GNN News
0 comments

Sinimulan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang teknikal na pagsusuri at paghahanda para sa pagkakabit ng libreng WiFi sa lahat ng estasyon at maging sa loob ng tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ayon sa anunsyo ng DICT nitong Martes, nagpadala na sila ng technical team mula sa Free WiFi for All Program upang simulan ang pagsusuri. Ang inisyatibong ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr) at ng pamunuan ng MRT-3.

Layon ng proyekto na bigyan ng libreng internet access ang libo-libong commuters na araw-araw sumasakay sa MRT-3, na itinuturing na pinakamataong linya ng tren sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang magiging mas produktibo at mas komportable ang biyahe ng mga pasahero.

Dagdag pa ng DICT, ang pagkakaroon ng libreng koneksyon sa internet sa pampublikong transportasyon ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na palawakin ang digital access sa mga mamamayan, lalo na sa mga abalang lugar gaya ng mga istasyon ng tren.

Kasunod ng technical assessment ay ang aktwal na installation ng WiFi equipment, na isasagawa sa mga susunod na buwan. Iaanunsyo rin ng ahensya ang target completion date sa sandaling maisapinal ang mga infrastructure requirements.

Ang libreng WiFi sa MRT-3 ay bahagi ng pambansang adbokasiya para sa digital inclusion at e-governance, ayon sa DICT.

Para sa updates sa proyektong ito at iba pang tech developments, manatiling nakatutok sa GNN Tech News.

You may also like

Leave a Comment