
Marso 6, 2025 | 6:40 AM GMT+08:00
Bida ang mga kababaihan sa inilunsad na photo exhibit ng Committee on Gender Responsiveness in the Judiciary, na nagpapakita ng pagkilala ng Korte Suprema sa mahalagang papel ng kababaihan sa pamumuno sa hudikatura.
Matatagpuan ang exhibit sa lobby ng Supreme Court Main Building, kung saan itinatampok ang mga larawang nagpapakita ng tagumpay at kontribusyon ng mga babaeng hukom sa sistemang panghukuman ng bansa. Magtatagal ito hanggang sa katapusan ng Marso bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Kasabay ng exhibit, isinagawa rin ang isang kick-off activity na may temang “Babae: Sapat Ka! Higit Pa!” – isang selebrasyon ng kababaihan bilang mga haligi ng batas, hustisya, at makataong lipunan.
Batay sa datos ng Korte Suprema, higit sa kalahati ng mga nakaupong hukom sa mga hukuman sa paglilitis sa bansa ay mga kababaihan, na patunay ng lumalawak na papel ng kababaihan sa sektor ng hustisya.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng kababaihan sa pag-unlad ng bansa. Aniya, sa bawat sektor, bawat espasyo, at bawat larangan, kabilang ang hudikatura, isa ang mga kababaihan sa nangunguna sa pagbuo ng mga batas at patakaran na nagtataguyod ng isang makatarungan at makataong lipunan.
Dagdag pa ng Punong Mahistrado, ang patuloy na pagpapahalaga at suporta sa kontribusyon ng kababaihan ay may direktang epekto sa kaunlaran ng bansa, kaya’t mahalaga ang patuloy na pagbibigay ng pantay na oportunidad para sa kanila.