Isinusulong sa Senado ang pagbuo ng isang komprehensibong komisyon sa living wage upang mapag-aralan at maipatupad ang mga angkop na solusyon sa matagal nang suliranin sa sahod ng mga manggagawa. Ito ay inihayag ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules sa isang media forum sa Senado.
Ayon kay Cayetano, panahon na upang magkaroon ng seryosong mekanismo na titingin sa kabuuang larawan ng cost of living ng pamilyang Pilipino at hindi na umikot sa taunang diskusyon tuwing Labor Day tungkol sa minimum wage.
Ang naturang komisyon ay bubuuin ng Senado, Kamara, Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA), mga kinatawan mula sa sektor ng employer at empleyado. Layunin nitong magkaroon ng consensus na magsisilbing gabay sa pagdedesisyon para sa tamang living wage sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inspirasyon ng panukalang ito ang Congressional Education Commission (EDCOM), na siyang nagsagawa ng pagsusuri sa sektor ng edukasyon upang mapabuti ito. Gaya nito, nais ng senador na magkaroon ng katulad na inisyatiba para sa usaping sahod—na batay sa datos, konsultasyon, at long-term strategies.
Giit ni Cayetano, ang kasalukuyang sistema ay tila paikot-ikot lamang at hindi naaabot ang tunay na layunin na bigyan ng disenteng pamumuhay ang bawat manggagawang Pilipino. Dagdag pa niya, kailangang kumawala ang gobyerno sa sistemang panandaliang ayuda lamang, at maglatag ng long-term program na masusustena ang kabuhayan ng mamamayan.
Ang pagkakaroon ng komisyon sa living wage ay nakikitang mahalagang hakbang tungo sa patas at makataong sahod. Kapag maayos ang sahod, mas magiging matatag ang mga pamilya, mas lalaki ang kontribusyon sa ekonomiya, at mas mababawasan ang pagdepende sa ayuda ng gobyerno.
Sa ganitong paraan, maipapakita ng pamahalaan na seryoso ito sa pagtugon sa tunay na pangangailangan ng bawat Pilipinong manggagawa.
