Home » Imbestigasyon sa kaso ng missing sabungero patuloy

Imbestigasyon sa kaso ng missing sabungero patuloy

by GNN News
0 comments

Bunsod ng pagkakadawit ng ilang mga pulis at ng isang babaeng artista sa kaso ng missing sabungero noong 2021, ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa panig ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS), sinimulan na nila ang case build-up laban sa mga pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng 34 na sabungero. Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Dodo Dulay, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang testigong nagsabing may higit 20 pulis na sangkot sa pagdukot at posibleng pagpatay sa mga biktima.

Dahil dito, hinikayat ni Dulay ang mga pamilya ng mga nawawala at iba pang testigo na makipag-ugnayan sa kanilang opisina upang masusing mapag-aralan ang mga bagong alegasyon sa kaso ng missing sabungero.

Samantala, nilinaw ni Dulay na hindi pa nila natatanggap ang opisyal na salaysay ni alyas “Totoy”, ang unang lumutang na testigo kamakailan.

Bukod sa mga pulis, lumulutang din sa social media ang pangalan ng isang babaeng artista na umano’y dawit rin sa kaso. Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kasalukuyang pinatutunayan ng Department of Justice (DOJ) ang mga impormasyong ito.

Kaugnay nito, sumulat na ang DOJ sa pamahalaan ng Japan upang humingi ng tulong para sa isasagawang underwater search sa Taal Lake, Batangas. Plano rin ng DOJ na gamitin ang Remote Operating Vehicle (ROV) ng Japan upang makapagsagawa ng mas malalim na pagsisiyasat sa ilalim ng lawa, kung saan hinihinalang itinapon ang mga labi ng nawawalang sabungero.

Ang kaso ng missing sabungero ay nananatiling isa sa pinakamalaking kontrobersiyang kinahaharap ng mga alagad ng batas sa kasalukuyan.


You may also like

Leave a Comment