
Kanselado muna ang consular services at overseas voting sa Lahore, Punjab, Pakistan ayon sa anunsyo ng Embassy of the Philippines sa Islamabad. Ang desisyon ay ginawa kasunod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng India at Pakistan, kung saan kasalukuyang nasa ilalim ng red alert status ang lugar.
Ayon sa embahada, ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Pakistan ang pangunahing dahilan ng kanselasyon, lalo na sa gitna ng mga tensyong geopolitical na maaaring magbunsod ng kaguluhan.
Matatandaang kamakailan lamang ay naging laman ng balita ang pagpatay sa 26 na turista sa Kashmir, isang pinagtatalunang teritoryo sa pagitan ng India, Pakistan, at China. Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng mas matinding pag-aalala sa rehiyon.
Bunsod ng sitwasyon, nanawagan ang embahada sa mga Pilipino na maging mapagmatyag, umiwas sa matataong lugar, at makipag-ugnayan sa embahada para sa anumang uri ng tulong o impormasyon.
Ang kanselado ang overseas voting ay pansamantalang hakbang lamang at agad namang ibabalik sa normal ang mga serbisyo kapag bumuti na ang kalagayan sa rehiyon. Inaasahan ding maglalabas ang embahada ng karagdagang abiso sa mga susunod na araw.
Nanindigan ang pamahalaan na protektado ang karapatan ng bawat Pilipino sa pagboto, ngunit higit na mahalaga sa ngayon ang seguridad ng bawat isa, lalo na sa mga bansang may tensyong pulitikal at seguridad.