Naglabas ng pahayag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ukol sa isyu ng umano’y kontaminadong isda sa Taal Lake, kasunod ng pagputok ng balita tungkol sa mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon sa lawa.
Dahil sa isyung ito, naging matumal ang bentahan ng tawilis sa mga lokal na pamilihan. Naging dahilan ito ng pangamba sa publiko na baka hindi ligtas kainin ang mga huli mula sa naturang lawa.

Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, walang basehan ang pagkabahala ng publiko. Tiniyak niyang ligtas kainin ang tawilis at iba pang isda mula sa Taal Lake dahil planktons lamang ang kanilang kinakain.
Paliwanag ni Briguera, regular na nagsasagawa ng pagsusuri ang ahensya sa kalidad ng tubig at mga isda sa lawa upang tiyaking sumusunod ito sa pamantayan ng food safety. Sa ngayon, wala pa umano silang natatanggap na ebidensiyang may kontaminasyon sa mga huli mula sa lawa.
Nanawagan din ang BFAR sa publiko na huwag magpadala sa mga haka-haka at patuloy na suportahan ang mga lokal na mangingisda sa Taal, na labis na naapektuhan ng isyung ito.