Kinilala ng Teachers Dignity Coalition (TDC) ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na lumikha ng karagdagang 16,000 bagong posisyon para sa mga guro. Gayunpaman, iginiit ng grupo na hindi pa rin ito sapat upang tugunan ang malawak na kakulangan sa teaching positions sa bansa.
Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basa, napakalayo ng 16,000 posisyon kung ihahambing sa itinatayang 50,000 teaching position shortage na kasalukuyang nararanasan ng DepEd. Binigyang-diin ng grupo na matagal nang nananatiling suliranin ang krisis sa edukasyon, at nangangailangan ito ng mas malalim na pagtutok at konkretong aksyon mula sa pamahalaan.

Dagdag pa ng TDC, nararapat lamang na gawing prayoridad ng administrasyong Marcos at ng mga mambabatas ang pagresolba sa kakulangan sa teaching positions upang hindi na maulit ang mga problemang dulot ng overcrowded classrooms, sobrang workload sa mga guro, at kawalan ng sapat na learning support sa mga mag-aaral.
Panawagan ng grupo, dapat ay maglatag ng long-term at sustainable education workforce development plan ang pamahalaan. Higit sa bilang, kailangan din anilang tiyakin ang kalidad ng mga guro at suportang nararapat sa kanila — mula sa tamang sahod, benepisyo, hanggang sa mga pasilidad ng paaralan.
Ang kakulangan sa teaching positions ay hindi lamang usapin ng employment kundi isang isyung direktang nakaapekto sa kalidad ng edukasyon ng kabataan. Anila, kung tunay na hangad ng pamahalaan ang pagbabago sa edukasyon, dapat simulan ito sa paglalaan ng sapat at tamang bilang ng mga guro.