Isinabay ng Department of Trade and Industry–Agusan del Sur (DTI-ADS) ang kanilang isang araw na caravan nitong Martes sa pagbubukas ng Kadiwa Market sa bayan ng San Francisco.
Ayon kay Niel John Dapat, Information Officer ng DTI-ADS, layunin ng caravan na magbigay ng abot-kayang school supplies, uniporme, at sapatos para sa mga magulang na naghahanda sa pagbabalik-eskwela ng kanilang mga anak ngayong Lunes, June 16.

Umabot sa 20% discount ang alok ng apat na local entrepreneurs na nakilahok sa caravan, dahilan upang dagsain ito ng mga mamimili. Malaki rin umano ang naging papel ng kanilang social media campaign sa tagumpay ng aktibidad.
Ang Kadiwa Market ay isasagawa tuwing linggo sa San Francisco at inaasahang magiging tulong sa mga pamilyang nais magtipid sa panahon ng pasukan.