Kinumpirma ng mga researchers mula sa Ateneo ang presensiya ng isang invasive fish species na B. schwanefeldii sa Laguna de Bay. Ayon sa kanilang pagsusuri, ang nasabing uri ng isda ay may potensyal na makaapekto nang malaki sa ekosistema ng lawa.
Nagbabala ang grupo na ang pagdami ng invasive fish sa Laguna ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa biodiversity at aquatic food webs. Ang Laguna de Bay ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda, suplay ng tubig, at mahalaga rin sa pagkontrol ng baha sa kalakhang Maynila.
Ipinaliwanag ni researcher Sorgon na kung hindi maagapan, maaaring mangibabaw ang invasive fish species sa mga native na isda, dahilan upang bumaba ang populasyon ng mga lokal na isda na kinukuhanan ng kabuhayan ng mga residente.

Dagdag pa niya, nananawagan sila sa mga lokal na pamahalaan na agad na magsagawa ng awareness campaigns upang ipabatid sa publiko ang mga panganib ng invasive species na ito at upang mapigilan ang pagkalat nito.
Ang pagtugon sa isyung ito ay mahalaga hindi lamang para sa mga mangingisda, kundi para rin sa kalikasan at seguridad ng mga komunidad na umaasa sa Laguna de Bay.