Agad na inaksyunan ng Philippine National Police (PNP) ang insidente ng marahas na bullying sa Basilan National High School matapos kumalat sa social media ang video ng pananakit sa isang 15-anyos na estudyante.
Sa isinagawang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa mga kaukulang ahensya, dalawang menor de edad ang isinailalim sa kustodiya ng Children in Conflict with the Law (CICL) center upang maprotektahan ang kanilang karapatan habang isinasagawa ang mga kaukulang proseso.
Tiniyak ng PNP na bibigyang suporta ang biktima, kabilang ang tulong legal at psychological intervention, upang matulungan ito sa kanyang paggaling mula sa trauma.

Nanawagan rin ang mga otoridad ng mas maigting na pagtutulungan sa pagitan ng paaralan, magulang, at komunidad upang masugpo ang bullying sa mga paaralan, lalo na kung ito ay nauuwi sa karahasan.
Muling pinapaalalahanan ng PNP at Department of Education ang publiko na seryosong paglabag sa karapatan ng kabataan ang anumang uri ng bullying, at dapat itong ireport agad upang maagapan at mapanagot ang mga sangkot.