
Nabahala ang Department of Health (DOH) sa sunod-sunod na insidente ng banggaan sa bansa na nagresulta sa pagkasawi ng ilang biktima ng aksidente.
Batay sa datos ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG), umabot sa mahigit 31,000 insidente ng aksidente sa kalsada ang naitala noong nakaraang taon sa buong bansa.
Samantala, sa ulat ng World Health Organization (WHO), tinatayang nasa 1.19 milyong katao ang namamatay taon-taon dahil sa mga road accidents sa buong mundo—isang nakababahalang bilang na nangangailangan ng agarang tugon mula sa mga awtoridad at mamamayan.
Ayon sa DOH, ang mga insidenteng ito ay maiiwasan kung magkakaroon ng mas maayos na sistema sa kalsada, sapat na imprastruktura, at disiplina mula sa lahat ng gumagamit ng lansangan—mga motorista, pedestrian, at maging mga pampasaherong sasakyan.
Dagdag pa ng ahensya, mahalagang isaalang-alang ng bawat isa ang kalagayan ng kanilang mga sasakyan at ang pisikal at mental na kondisyon ng mga driver bago bumiyahe upang maiwasan ang sakuna.
Sa gitna ng tumataas na bilang ng insidente ng banggaan sa bansa, nananawagan ang DOH sa mas masusing pagpapatupad ng batas trapiko, mas malawak na kampanya sa kaligtasan sa kalsada, at aktibong pakikiisa ng bawat mamamayan upang matiyak ang ligtas na paglalakbay sa mga lansangan.
Inaasahan na ang mga darating na linggo ay magiging daan sa mga reporma at hakbang para sa road safety, katuwang ang PNP, MMDA, LGUs, at iba pang ahensya.