Nanindigan si Senator Risa Hontiveros na patuloy pa rin ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema na ito ay unconstitutional.
Ayon kay Hontiveros, dahil sila ay nag-convene na bilang Impeachment Court at gumaganap bilang Senator Judges, nananatiling buhay at umiiral ang proseso ng paglilitis. Ibinahagi niya ito sa isang media forum bago pormal na magbukas ang sesyon ng 20th Congress ngayong Lunes, July 28.
Matatandaang pinawalang-bisa ng Supreme Court ang impeachment complaint laban kay Duterte, base sa argumento ng paglabag sa one-year ban provision. Ngunit, inamin ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa naging ruling, kahit na iginagalang niya ito bilang bahagi ng sistema ng hustisya.

Ayon pa sa senadora, may ilang indibidwal na nais maghain ng resolusyon at mosyon ng reconsideration sa Supreme Court upang muling balikan ang isyu.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa epekto ng desisyon sa check and balance ng gobyerno, at iginiit na dapat panindigan ang karapatan ng Kongreso na magsagawa ng impeachment proceedings.