Imbestigasyon sa human trafficking ng repatriates
Iimbestigahan na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga recruiters at facilitators ng dalawampu’t isang (21) repatriates mula Myanmar na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking.
Ayon sa ulat, nasabat ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawa sa mga sangkot sa pag-recruit ng mga Pilipino habang papalabas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang dalawang ito ay kinilalang bahagi ng isang sindikato na responsable sa pagpapadala ng mga Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng iligal na paraan.
Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Viado na patuloy nilang tututukan ang kaligtasan at kapakanan ng mga repatriates, lalo na ng mga nagiging biktima ng human trafficking modus sa ibang bansa. Dagdag pa ni Viado, mas paiigtingin ng BI ang mga inspeksyon at koordinasyon sa ibang ahensya upang masawata ang ganitong uri ng krimen.

Ang imbestigasyon sa human trafficking ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng gobyerno laban sa illegal recruitment at trafficking na matagal nang suliranin sa bansa. Nagsagawa na rin ng initial debriefing ang IACAT para sa mga biktima upang mabigyan sila ng legal na suporta, psycho-social intervention, at reintegration programs.