Arestado ang dalawang Vietnamese nationals sa lungsod ng Makati matapos maaktuhang nagsasagawa ng ilegal na panggagamot sa isang beauty clinic nang walang kaukulang lisensya at permit mula sa Department of Health (DOH).
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Doc Ana” at “Le Thi,” na parehong inabutang nagsasagawa ng lip augmentation procedure sa isang kliyente sa Vera Beauty Clinic sa Makati Tower 2 noong Mayo 10. Ang operasyon ay isinagawa sa kabila ng kawalan nila ng professional licenses mula sa Professional Regulation Commission (PRC) at permit mula sa DOH.
Ayon sa imbestigasyon, matagal nang kumikita ang dalawa sa pagsasagawa ng aesthetic at minor medical procedures, gaya ng lip fillers at iba pang non-invasive cosmetic treatments. Nabatid rin na nagrereseta sila ng gamot sa mga pasyente kahit wala silang legal na kakayahang gawin ito sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Ang mga ganitong gawain ay lumalabag sa mga regulasyon ng DOH at FDA, at itinuturing na panganib sa kalusugan ng publiko. Ang mga beauty clinic tulad ng Vera Beauty Clinic ay dapat dumaan sa mahigpit na accreditation bago pahintulutang magsagawa ng kahit anong uri ng medical procedure.

Itinurn-over na sa mga awtoridad ang dalawang dayuhan at kasalukuyang nahaharap sa mga kaso kaugnay ng paglabag sa Medical Act of 1959 at iba pang kaukulang batas sa illegal practice of medicine.
Ang insidente ng ilegal na panggagamot Makati ay isa lamang sa mga patuloy na binabantayan ng mga ahensya ng pamahalaan upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga mamamayang Pilipino laban sa mga unlicensed practitioners.
Pinapayuhan ang publiko na magsagawa ng due diligence bago sumailalim sa anumang medical o cosmetic procedure at tiyaking accredited ang mga pasilidad at practitioner. Para sa iba pang balita ukol sa kaligtasan ng publiko, tutok lamang sa GNN News Force.