Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa NAIA Terminal 3 ang isang babaeng sangkot sa human trafficking nitong June 5, ayon sa ulat ng International Airport Investigation Division.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Diane”, na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act, na amyendado ng RA 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.
Ayon sa NBI, nagsimula ang imbestigasyon matapos maharang ang isang pasaherong si “Mary” na patungong Kuala Lumpur, Malaysia. Sa kanilang pagtatanong at beripikasyon, lumabas na may koneksyon ito sa operasyong pinamumunuan ni Diane.
Samantala, iniulat din ng Immigration Protection and Border Enforcement Section na kamakailan lamang ay may nahuli rin silang pasahero na gumagamit ng peke o fraudulent boarding pass at border stamp, na posibleng konektado rin sa parehong sindikato.

Patuloy pa ang malalimang imbestigasyon ng NBI upang matukoy kung may iba pang kasabwat si Diane sa operasyon at upang mapigilan ang paglaganap ng human trafficking sa mga paliparan sa bansa.