Ginawang racing circuit ng labinglimang (15) bus ng GV Florida Bus Company ang Cagayan National Highway nitong Linggo, ayon sa isang viral na video kung saan kitang-kita ang karerahan ng mga pampasaherong sasakyan.

Ang mga bus na sangkot ay bumibiyahe mula Sta. Ana, Cagayan hanggang Sampaloc, Manila, at mula Baguio patungong Apayao. Sa kabila ng insidente, walang naitalang aksidente o nasaktan, ngunit umani pa rin ito ng matinding batikos mula sa publiko.
Hindi tinanggap ni Transportation Secretary Vince Dizon ang paliwanag at paghingi ng tawad ng kumpanya, na tinawag niyang isang “kalokohan” na seryosong naglalagay sa alanganin ng kaligtasan ng mga pasahero at iba pang motorista.
Bilang parusa, sinuspinde ng 90 araw ang mga driver na sangkot sa karerahan, habang isang buwang suspension naman ang ipinataw sa prangkisa ng mga bus na nadawit sa insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang insidente, at pinaalalahanan ang mga transport operators na ang kaligtasan ng publiko ang dapat na pangunahing isaalang-alang.