Batay sa datos ng Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 70% ng populasyon ng bansa ay kabilang sa kategoryang functional literacy sa Pilipinas. Bagama’t itinuturing itong bahagyang mataas, iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi ito dapat ikakontento ng pamahalaan.
Ayon sa senador, kailangang paigtingin pa ang mga hakbang upang mapataas ang antas ng functional literacy, lalo na kung isasaalang-alang ang bagong pamantayang ginagamit sa pagsusukat ng literacy.
Sa ilalim ng bagong basic literacy measure, kabilang ang kakayahang magbasa, magsulat, umintindi, at magcompute. Sa mas mataas na antas naman ng functional literacy, kasama na ang mas malalim na comprehension o kakayahang unawain ang mas komplikadong impormasyon.
Ibinahagi rin sa pagdinig ang listahan ng mga probinsyang may mataas na bilang ng basic illiterate. Kabilang dito ang Tawi-Tawi, Basilan, Davao Occidental, Northern Samar, Sarangani, Samar, Southern Leyte, Zamboanga del Sur, Sultan Kudarat, at Lanao del Norte.
Mas ikinabahala pa ang karagdagang datos kung saan lumalabas na 21% ng mga nagtapos ng Senior High School noong 2024 ay hindi pa rin maituturing na functional literate. Dahil dito, iginiit ni Gatchalian na walang estudyanteng dapat magtapos nang hindi naaabot ang pamantayan ng functional literacy.
Bilang tugon, inanunsyo ng Department of Education ang paglulunsad ng intervention program na magpopokus sa mga probinsyang may mababang antas ng literacy. Layunin nitong mabigyan ng sapat na pondo at atensyon ang mga lugar upang maiahon ang kalidad ng edukasyon.
Bukod dito, hiniling din ng senador na siguruhing may sapat na kakayahan at epektibong estratehiya ang mga guro para matiyak ang mas mahusay na pagtuturo. Aniya, malaki ang epekto ng kalidad ng guro sa competency at pagkatuto ng mga bata.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang problema sa literacy ay dapat na masolusyunan habang nasa loob pa ng education system ang mga mag-aaral. Kapag hindi ito agad natugunan, magiging mas mahirap na itong ayusin kapag sila ay lumabas na sa sistemang pang-edukasyon.
Dagdag pa niya, ang pagtugon sa problemang ito ay isang konkretong hakbang din laban sa kahirapan. Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng functional literacy sa Pilipinas, mas mabibigyan ng pag-asa at oportunidad ang mga kabataan na magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.
