
Apat na magkakahiwalay na insidente ng kaguluhan ang naiulat sa mga lalawigan ng Sulu at Tawi-Tawi ngayong araw ng halalan, kaugnay ng tensyon sa pagitan ng mga tagasuporta ng lokal na kandidato.
Ang una ay naiulat mula sa bayan ng Tandubas, Tawi-Tawi, kung saan nagkaroon ng suntukan sa pagitan ng mga tagasuporta ng dalawang magkatunggaling partido. Agad namang naawat ang kaguluhan sa tulong ng mga awtoridad.
Samantala, bandang alas-nuwebe ng umaga, isang panibagong kaguluhan ang sumiklab sa bayan ng Parang, Sulu, matapos umanong magkaroon ng alitan ang mga tagasuporta ng isang kandidato sa pagka-alkalde. Ayon sa mga nakasaksi, naging mitsa ng gulo ang presensya ng hinihinalang flying voters, na ikinagalit ng ilang mga botante sa lugar.
Hindi pa natatapos dito, dahil dalawang panibagong insidente rin ng kaguluhan ang naitala sa bayan ng Talipao at Pata, kapwa sa probinsya ng Sulu. Bagamat hindi naitalang may nasaktan nang malubha, ang mga insidente ng election violence sa Sulu at Tawi-Tawi ay nagpapakita ng patuloy na tensyon sa ilang bahagi ng bansa kahit na itinuturing na mapayapa sa pangkalahatan ang 2025 elections.
Patuloy na iniimbestigahan ng COMELEC at ng PNP ang mga insidenteng ito. Ayon sa mga awtoridad, handa silang magsampa ng kaso laban sa mga indibidwal na sangkot sa karahasan upang maipakita na hindi pinapahintulutan ang anumang uri ng kaguluhan sa panahon ng halalan.
Ang mga election violence sa Sulu at Tawi-Tawi ay paalala na mahalagang manatiling mapagmatyag at mapayapa ang bawat mamamayan sa pagtupad ng kanilang karapatang bumoto.
Para sa mga karagdagang ulat tungkol sa halalan, tutok lang sa GNN Halalan 2025.