
Marso 12, 2025 | 6:40 AM GMT+08:00
Inaresto na si dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes matapos makabalik sa bansa mula sa kanyang biyahe sa Hong Kong.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), natanggap ng Interpol Manila ang kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ngayong madaling araw.
Ang naturang warrant ay kaugnay ng mga krimen sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, na umano’y kumitil sa buhay ng libo-libong Pilipino.
Duterte: “Ano ang krimen ko?”
Sa isang video na in-upload ng anak niyang si Veronica “Kitty” Duterte sa social media, mariing kinuwestyon ni dating Pangulong Duterte ang basehan ng kanyang pagkaka-aresto.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Senador Christopher “Bong” Go na walang indikasyon na planado ang pag-aresto.
Kalagayan ni Duterte, Maayos Ayon sa Pamilya
Ayon sa naging pag-uusap sa telepono nina Senador Go at Kitty Duterte, nasa maayos na kalagayan ang 79-anyos na dating pangulo.
Samantala, ipinahayag naman ni dating Senador Gringo Honasan na may double standard umano sa pagkakaaresto kay Duterte. Ayon sa kanya, ang mga kasalukuyang isyu sa politika ay lubhang nakakaapekto sa buhay ng mga Pilipino.
ICC: May Bisa ang Warrant Kahit Umalis na ang Pilipinas sa Korte
Nilinaw ng ICC na kahit nagkabisa ang pag-alis ng Pilipinas sa Marso 17, 2019, nananatili pa rin ang hurisdiksyon nito sa mga krimen na naganap mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, assistant to counsel ng ICC, kapag sinilbihan ng warrant of arrest ang isang indibidwal, siya ay kailangang isuko sa law enforcement officer ng isang bansang miyembro ng ICC at agad na ipadadala sa The Hague, Netherlands.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Duterte.
Mahigpit na Seguridad sa Villamor Airbase
Mahigpit ang seguridad sa Villamor Airbase, kung saan nakaantabay ang mga pwersa ng kapulisan at ilang ambulansya bilang bahagi ng seguridad sa dating pangulo.