Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang tatlumpu’t dalawang (32) driving school sa bansa matapos matuklasan ang mga iregularidad sa pag-iisyu ng Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) certificates.
Bilang parusa, ipinataw ng LTO ang anim na buwang suspensyon ng operasyon at multang nagkakahalaga ng isang milyong piso bawat isa sa mga lumabag. Ayon sa ahensya, lagpas kalahati ng mga nasuspindeng paaralan ay mula sa rehiyon ng Central Luzon.

Isinagawa ng LTO ang malawakang audit, inspeksyon, at validation checks sa mga driving school upang matiyak ang integridad at kredibilidad ng proseso ng pagkuha ng lisensya. Ayon sa kanilang pahayag, mahalagang mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng pagbibigay ng lisensya sa Pilipinas.
Dagdag pa ng LTO, magpapatuloy ang kanilang masinsinang pagsisiyasat sa mga driving school sa iba’t ibang rehiyon upang masigurong sumusunod ang mga ito sa itinakdang alituntunin at tamang proseso ng pagtuturo sa mga bagong drayber.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng ahensya laban sa korapsyon at peke o shortcut na dokumento sa sektor ng transportasyon.