
Marso 25, 2025 | 7:30 AM GMT+08:00
Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga opisyal ng mga eskwelahan at mga personnel nito na maging propesyonal at neutral sa politika kasabay ng nalalapit na halalan. Kasunod ito ng paglabas ng memorandum ng DepEd ukol sa mga patakaran na ipatutupad sa pagdaraos ng seremonya ng pagtatapos o graduation at moving up ceremonies.
Ang utos ng DepEd ay upang matiyak na hindi magkakaroon ng anumang election-related activities sa mga seremonya ng pagtatapos, lalo na at magkasabay ang panahon ng pangangampaniya at graduation ceremonies. Nakatakda ang pagtatapos ng Kindergarten, Grade 6, Grade 10, Grade 12, at Alternative Learning System (ALS) learners sa April 14-15, 2025.
Samantala, nagpaalala rin ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga Barangay at SK officials na maging patas sa pagpapagamit ng kanilang mga pasilidad para sa lokal na pangangampaniya na magsisimula ngayong Biyernes, March 28. Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ang mga covered court at plaza ay pag-aari ng pamahalaan, kaya’t hindi dapat maging biased ang mga opisyal sa pagpapagamit ng mga ito para sa kampanya ng mga kandidato.
Sa pagtatapos ng mga seremonya, inaasahan ng DepEd at COMELEC na ang mga opisyales ay patuloy na magmamasid sa mga alituntunin at tiyakin ang pantay-pantay na pagpapahayag ng suporta sa lahat ng kandidato, nang hindi naaapektohan ang integridad ng mga kaganapan.