Home » DFA, ikinukonsidera ang pagbaba ng crisis alert level sa Israel

DFA, ikinukonsidera ang pagbaba ng crisis alert level sa Israel

by GNN News
0 comments

Ikinukonsidera na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad ng pagbaba sa crisis alert level sa Israel mula Alert Level 3 tungo sa Alert Level 2, kasunod ng umano’y pagbalik sa normal na kalagayan sa nasabing bansa.

Sa kasalukuyan, nananatili pa sa Alert Level 3 o voluntary repatriation status ang Israel. Sa ilalim ng antas na ito, pinapayagan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na boluntaryong umuwi ng Pilipinas.

Kapag ibinaba ito sa Alert Level 2 o restriction phase, nananatili pa ring suspendido ang deployment ng mga bagong OFWs, ngunit mas maluwag kumpara sa Alert Level 3.

Gayunpaman, nilinaw ng DFA na hindi pa nila maipapangako ang pagbaba sa Alert Level 1, lalo na’t nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa pagitan ng Hamas at Gaza.

Patuloy na mino-monitor ng ahensya ang mga ulat sa seguridad mula sa Philippine Embassy sa Tel Aviv at iba pang international sources upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa nasabing rehiyon.

Tiniyak naman ng DFA na nananatiling bukas ang kanilang komunikasyon sa mga OFWs sa Israel, at pinapayuhang makipag-ugnayan sa embahada para sa karagdagang impormasyon hinggil sa repatriation o posibleng deployment suspensions.


You may also like

Leave a Comment