
Marso 25, 2025 | 7:30 AM GMT+08:00
Nanawagan ng agarang aksyon ang Commission on Population and Development (CPD) bunsod ng nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng nagbubuntis na babaeng edad sampu hanggang labing-apat na taong gulang. Ayon sa datos mula Philippine Statistics Authority, ang nabubuntis sa age bracket na sampu hanggang labing-apat na taong gulang ay lumobo sa mahigit tatlong libo’t tatlong daan noong 2023. Habang ang pinakabatang naitalang kaso ay walong taong gulang lamang noong nagbuntis, at nanganak noong siyam na taong gulang.
Tinukoy ni CPD Spokesperson Myline Mirasol Quiray na sekswal na pang-aabuso at pamimilit o coercion ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng early pregnancy sa bansa. Ang mga kabataang nagiging biktima ng mga ganitong insidente ay madalas hindi pa lubos ang pag-unawa at kaalaman sa kanilang katawan at sa kanilang mga karapatan, kaya’t madaling mapagsamantalahan.
Dagdag pa ni Quiray, maaaring ang mga kaso ng early pregnancy ay may kinalaman sa pansasamantala, kawalan ng kaalaman sa pagbibigay pahintulot o consent, at kakulangan sa pagtuturo ng sex education. Kabilang dito ang mga usapin tungkol sa body awareness, reproduction, at ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang impormasyon upang maprotektahan ang mga kabataan.
Ang patuloy na pagtaas ng mga kasong ito ay isang seryosong isyu na nangangailangan ng agarang pagtutok at solusyon mula sa gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at mga komunidad. Ang edukasyon, pati na rin ang pagpapatibay ng mga batas laban sa sexual abuse at exploitation, ay makatutulong sa pagpigil ng mga hindi inaasahang pagbubuntis sa kabataan.