
Naipamahagi na ng Commission on Elections o COMELEC nitong Linggo ang mga kinakailangang kagamitan para sa pambansa at lokal na halalan sa 2025, na nakatakdang ganapin sa darating na Mayo 12.
Kabilang sa mga ipinadala ang automated counting machines (ACM), mga baterya, ballot boxes, at mga balota. Ang mga ito ay inihatid sa iba’t ibang clustered precincts sa Quezon City, partikular sa Districts 1, 5, at 6.
Ayon sa COMELEC, ang mga nasabing kagamitan ay nagmula sa Amoranto Sports Complex, at inilulan gamit ang mga public utility jeeps at sasakyang pag-aari ng pamahalaan patungo sa mga itinalagang voting polls. Layunin ng maagang pamamahagi ay upang masiguro ang maayos at organisadong halalan sa lungsod.
Tiniyak naman ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang maayos na distribusyon ng mga kagamitan. Siniguro rin nila na ligtas, kumpleto, at hindi maaantala ang pagdating ng mga ito sa mga presinto upang maiwasan ang anumang aberya sa araw ng halalan.
Ayon sa mga opisyal ng poll body, bahagi ito ng kanilang paghahanda para sa 2025 elections, kung saan inaasahang mas magiging teknolohikal ang proseso sa pagboto. Ipinagdiinan din nila ang kahalagahan ng transparency at efficiency sa paghawak ng mga election materials.
Ang inisyatibong ito ng COMELEC pamamahagi ng kagamitan ay isa sa mga hakbang upang tiyakin na magiging maayos, mapayapa, at makatarungan ang halalan para sa lahat ng Pilipino. Patuloy ring pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at makiisa sa pagsusulong ng malinis na eleksyon.