
Naitala ang 127 low-magnitude earthquakes sa Bulkang Bulusan sa loob ng 24 oras nitong Mayo 5, ayon sa ulat mula sa PHIVOLCS.
Bagamat nananatili pa rin sa Alert Level 1 status ang bulkan, kapansin-pansin ang tumitinding aktibidad nito. Ayon sa monitoring, nagbubuga ito ng humigit-kumulang 809 toneladang sulfur dioxide kada araw, na apat na beses na mas mataas kumpara sa karaniwang antas bago ang mga pagputok.
Bukod dito, naobserbahan din ang paglabas ng plume na may taas na hanggang 150 metro, indikasyon ng patuloy na degassing ng bulkan. Sa kabila ng mga aktibidad na ito, wala pang inisyu na mas mataas na alert level, ngunit nananatili ang mahigpit na pagbabantay sa posibleng pagbabago sa kundisyon ng bulkan.
Matatandaang noong Mayo 1, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng light ash fall sa paligid ng Bulusan. Hindi ito umabot sa mga kabahayan, ngunit bumagsak ang manipis na abo sa kabundukan na malapit sa pinanggagalingan ng plume.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga residente malapit sa bulkan, partikular sa mga bayan ng Juban at Irosin, na maging mapagmatyag at iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer permanent danger zone ng bulkan. Inabisuhan rin ang mga LGU at DRRM units na panatilihing alerto at maghanda sa mga posibleng paglikas kung kakailanganin.
Ang bulkang Bulusan ay isa sa mga aktibong bulkan sa Pilipinas na regular na binabantayan ng PHIVOLCS. Patuloy ang kanilang panawagan sa publiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon at kumuha lamang ng balita mula sa opisyal na ahensya ng gobyerno.
Manatiling nakatutok sa GNN para sa mga real-time na update tungkol sa kondisyon ng mga bulkan sa bansa.