Home » Barangay, SK Term Extension Bill Tinalakay

Barangay, SK Term Extension Bill Tinalakay

by GNN News
0 comments


Pinag-uusapan ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 11287 na layong palawigin ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong anim na taon.

Ayon kay House Spokesperson Princess Abante, hindi sapat ang tatlong taong termino upang maisakatuparan at mapatatag ang mga programa at pamamahala sa lokal na antas. Aniya, “maiksi ang tatlong taon sa pagpapatatag ng leadership.”

Sinabi rin niya na ang mga pagdinig kaugnay ng panukalang ito ay makatutulong sa pagpapalalim ng kaalaman ukol sa responsibilidad ng mga barangay leaders.

Kasama sa mga sumusuporta sa panukala si Rep. Rufus Rodriguez. Ayon sa kanya, sa anim na taong termino, magkakaroon ng mas sapat na panahon ang mga opisyal upang maisakatuparan ang kanilang mga ipinangako sa kanilang mga nasasakupan. Binigyang-diin din niya na maaaring maantala ng nakatakdang halalan sa Disyembre ang pagpapatuloy ng mga proyekto.

Ayon sa probisyon ng panukala, magsisilbi ang mga kasalukuyang opisyal hanggang sa halalang gaganapin sa Mayo 2029. Ngunit nilinaw ni Rep. Abante na hindi pa ito tiyak hangga’t hindi pa tapos ang bicameral conference. Dagdag niya, kinakailangang hintayin ang pinal na desisyon ng Kamara.

Sa kabilang banda, hindi lahat ng mambabatas ay pabor. Nagbabala si Rep. Raoul Manuel na maaaring kuwestyunin sa Korte Suprema ang panukala dahil ito’y tila anyo ng postponement ng halalan. Aniya, hindi praktikal para sa mga kabataang SK officials ang anim na taong termino, at mas mainam ang pagbibigay ng training at suporta kaysa pagpapahaba ng panunungkulan.

Sa kabila ng panukala, tuloy pa rin ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa halalan sa Disyembre. Ayon kay Comelec Chair George Garcia, mayroong nakalaang P11 bilyon para sa procurement ng mga gamit para sa eleksyon.


You may also like

Leave a Comment