Kabilang sa mga priority bill ni Senate President Juan Miguel Zubiri ngayong Hulyo 7 ang Anti-Online Gambling Act, na layong tuluyang ipagbawal ang online sugal sa bansa.
Giit ni Zubiri, hindi sapat ang nakokolektang buwis ng pamahalaan mula sa online gambling upang pantayan ang pinsalang dulot nito sa kabataan, pamilya, at buong lipunan. Aniya, “It’s not worth the risk.”
Sa panukalang batas, nakapaloob ang website blocking, application removal, mandatory response period, reporting and compliance mechanism, at mahigpit na parusa sa mga lalabag. Para sa unang opensa, may multang hindi bababa sa ₱20 milyon at 6 na buwang suspensyon ng lisensya. Sa ikalawa, ₱50 milyon at isang taong suspensyon. Sa ikatlong opensa, ₱100 milyon, permanenteng pagkansela ng lisensya, at anim na taong pagkakakulong ng presidente o chief operating officer ng kumpanya.
Ibinunyag ni Zubiri na madali umanong gamitin ng mga kabataan ang e-wallets ng kanilang magulang, kaya’t mabilis silang naaadik sa mga makukulay at kaakit-akit na ad ng mga celebrity. Hinikayat din ng senador ang mga endorsers na umatras na sa pagpo-promote ng online sugal.

Batay sa datos, Pilipinas na umano ang gambling capital ng Asya. Kaya para kay Zubiri, nararapat na diretsong total ban ang ipatupad, at hindi na dapat daanin sa regulasyon.
Taliwas dito ang panukala ni Sen. Sherwin Gatchalian, na regulasyon ang isinusulong. Aniya, maaaring magsulputan ang underground operations kung tuluyang iba-ban ang online gambling. Ngunit sagot ni Zubiri, nagawa naman ang total ban sa e-sabong, at walang underground activity na lumitaw.
Ayon kay Zubiri, sinusuportahan din ng ilang local government units (LGUs) ang panukala matapos makaranas ng pagkalubog sa utang ng mga residente, paggamit ng kabataan sa pera ng magulang, at pati pag-akyat ng suicide cases dahil sa kahihiyan at pagkakasala.
Binigyang-diin ng senador na malaki rin ang epekto nito sa ekonomiya — kabilang ang pagbaba ng productivity, consumer spending, pagtaas ng petty crimes, at scam cases. Aminado si Zubiri na magiging mahirap ang laban dahil sa kapangyarihan ng mga indibidwal sa likod ng industriya ng online sugal.