Sa pangunguna ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., binuksan ang anim na 40-foot containers na umanoāy naglalaman ng mga ipinagbabawal na produkto mula China, sa isang inspeksyon laban sa agricultural smuggling crackdown.
Ayon sa deklarasyon ng shipment, ang mga kargamento ay dapat na may lamang egg noodles, spring rolls, at dumplings. Ngunit sa halip, tumambad ang mga sariwang pulang sibuyas, dilaw na sibuyas, at frozen mackerel ā malinaw na mga produktong hindi idineklara nang tama.

Tatlong container ang naglalaman ng pulang sibuyas, isa ang may dilaw na sibuyas, at dalawa ang puno ng frozen mackerel. Tinaya ang kabuuang halaga ng nakumpiskang produkto sa P34 milyon.
Matapos ang inspeksyon, kumuha ng sample ang DA-Bureau of Plant Industry Plant Product Safety Services Division para isailalim ang mga ito sa pesticide residue testing, microbiological analysis, at chemical analysis, upang matukoy kung may panganib ang mga produkto sa kalusugan ng publiko.
Ayon kay Laurel, ito ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa agricultural smuggling upang maprotektahan ang mga mamimili at ang lokal na agrikultura.