Inabswelto na ng Department of Agrarian Reform o DAR ang dalawang daan at dalawampung magsasaka sa Cebu sa limandaang libong pisong loans ng mga ito sa ilalim ng agrarian reform condonation program.
Ibinahagi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na tinatayang higit 170 ektaryang agricultural land ang naipamahagi sa mga magsasaka sa Pinamungajan, Toledo City, at Aloguinsan.
Parte ang programang ito ng agrarian reform condonation program sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act na isinabatas noong July 7, 2023. Layunin nitong maabsweltuhan ang limampu’t pitong bilyong unpaid amortizations at matulungan ang anim na raang libong agrarian reform beneficiaries sa bansa.
Ang agrarian reform condonation program ay nagbibigay ng panibagong pag-asa sa mga benepisyaryo ng lupa sa pamamagitan ng pagkansela ng kanilang mga pagkakautang sa pamahalaan. Ayon sa DAR, isa itong mahalagang hakbang upang mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka sa buong bansa.

Ayon sa datos ng ahensya, patuloy ang pagsasagawa ng regional rollout ng agrarian reform condonation program sa iba’t ibang panig ng bansa bilang bahagi ng direktiba ng administrasyong Marcos na suportahan ang sektor ng agrikultura.
Hinihikayat din ng DAR ang mga benepisyaryo na gamitin nang tama at produktibo ang lupaing kanilang natanggap para sa ikauunlad ng kani-kanilang pamilya at komunidad. Isa itong konkretong halimbawa ng pagkilos ng pamahalaan upang maiangat ang kalidad ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka sa ilalim ng agrarian reform condonation program.