Nagsusulong ng isang resolusyon sina Senator Juan Miguel Zubiri at Senator Kiko Pangilinan upang himukin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang ipatigil ang operasyon ng online gambling sa bansa.
Bagama’t hindi nabanggit ng Pangulo ang usapin sa kanyang pinakabagong State of the Nation Address (SONA), gaya ng kanyang posisyon laban sa POGO noong mga nakaraang taon, kumpiyansa si Senator Erwin Tulfo, ang bagong chairman ng Senate Games and Amusement Committee, na susuportahan ng kanyang panel at ng ilang kasamahan sa Senado ang panukalang ipagbawal na ang online gambling.

Ayon kay Tulfo, malinaw ang panganib na dulot ng online sugal, hindi lamang sa seguridad at kaayusan kundi maging sa moral na kalagayan ng lipunan.
Samantala, binatikos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang PAGCOR, o Philippine Amusement and Gaming Corporation, dahil anila’y inuuna ng ahensya ang kita kaysa sa moral na obligasyon.
Sa pahayag ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David, iginiit niyang, “Hindi dapat manguna ang kita sa moral duty.” Ayon pa sa kanya, ang anumang salaping makukuha mula sa immoral na gawain ay hindi katumbas ng nawawalang integridad at kapakanan ng mamamayan.
Sa harap ng lumalaking presyon mula sa mga mambabatas at mga grupong panrelihiyon, nananatiling mainit na isyu ang pagtigil ng online gambling sa bansa.