Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia ang kanyang pagsang-ayon at paghahanda sakaling pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang postponement bill ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2025.
Ayon kay Garcia, wala umanong indikasyon mula sa Palasyo na haharangin ang naturang panukalang batas. Bagkus, inaasahan na lamang nila ang pormal na paglagda ng Pangulo upang maisakatuparan ang pagkakaurong ng halalan.
Sa ilalim ng panukala, maiaantala ang nakatakdang BSKE 2025 at ito ay gaganapin na lamang sa unang Lunes ng Nobyembre 2026, kung tuluyang mapagtibay ang batas.

Dagdag pa ng Comelec chair, handa umano ang komisyon sa anuman ang magiging pasya ng Pangulo, at patuloy silang nagsasagawa ng mga paghahanda upang masiguro ang kaayusan ng eleksyon—kung matutuloy man ito sa orihinal na petsa o kung ito’y maisususpinde.
Ang postponement ng barangay at SK elections ay isang sensitibong isyu, lalo na sa mga nagnanais tumakbo sa lokal na pamahalaan. Subalit ayon sa Comelec, ang kanilang tungkulin ay sumunod sa anumang legal na direktiba ng pamahalaan.