Kumpirmado na hindi makakadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw ang apat na senador mula sa Duterte bloc. Ayon kay Senator Imee Marcos, napagkasunduan nila nina Senator Christopher “Bong” Go, Senator Ronald “Bato” dela Rosa, at Senator Robinhood Padilla na hindi dumalo sa SONA.
Sa isang maikling media forum sa Senado, nilinaw ni Senator Imee Marcos na ang kanilang desisyon ay bunsod ng naka-iskedyul na pagbibigay-tulong sa mga nasalanta ng bagyo at sama ng panahon sa ilang bahagi ng bansa, at hindi ito may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte.

Bagamat hindi dadalo, tiniyak ni Senator Imee na kanyang pakikinggan pa rin ang talumpati ng Pangulo.
Nagbigay rin ng komento ang senadora sa kung ano ang inaasahan niyang magiging laman ng talumpati ni Pangulong Marcos — na sana raw ay hindi lang puro datos at “motherhood statements” ang banggitin, kundi isang malinaw na “homework list” o to-do list ng mga aksyong kailangang gawin para tugunan ang mga kinahaharap na problema ng bansa.
Samantala, nang tanungin ukol sa suporta kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, sinabi ni Imee Marcos na nakisama lamang siya kina Senators Go at Dela Rosa, na mas bukas sa ganitong alyansa.
Ang hindi pagdalo ng Duterte bloc senators ay indikasyon ng pagpaprioridad sa serbisyong direktang makakatulong sa mga mamamayan, higit sa seremonyang pampulitika.